Pagiging nominado ni SC Associate Justice de Castro bilang susunod na Ombudsman, aprub kay outgoing Ombudsman Morales

Walang isyu kay outgoing Ombudsman Conchita Carpio Morales ang napaulat na pagiging nominado ni Supreme Court Associate Justice Teresita De Castro bilang susunod na pinuno ng Office of the Ombudsman.

Paliwanag ni Morales, kung hindi naman diskwalipikado ang isang personalidad at pasok ang kanyang rekord sa kung ano ang nakasaad sa panuntunan ay maaari siyang maging nominado.

Si Morales ay nakatakdang magretiro bilang Ombudsman sa Hulyo 2018 habang si De Castro ay magreretiro naman sa Oktubre ng kasalukuyang taon.

Kaugnay nito, umaasa naman si Morales na sana’y isang tulad niya ang magiging bagong Ombudsman lalo pa’t sa bigat ng trabaho ay kailangang nananaig ang work ethics, competence at integridad at hindi rin daw dapat nagpapaapekto sa ‘pressure.’

Sa kanya aniyang pamumuno bilang Ombudsman ay sinunod niya ang rule of law at naging mahigpit siya rito.

Si Morales ay dumalo ngayong araw sa Joint Forum on Justice and Integrity na ginanap sa Quezon City at inorganisa ng Office of the Ombudsman at ng International Development Law Organization.


 | via Shane Juan

Photo courtesy: Supreme Court