Pagiging negatibo sa antibody test ng mga nakakumpleto na ng COVID vaccine, hindi dapat na ikapangamba

Hindi lamang pagkuha ng antibody count ang sukatan para malamang may immunity na sa katawan ng isang indibidwal na naturukan na ng bakuna kontra sa COVID-19.

Sa regular press briefing ni Presidential spokesperson Harry Roque ay inihayag ni Dr. Edcel Salvana na may mas mahalaga pang barometro upang matiyak na protektado na ang isa kontra sa masamang epekto ng COVID.

Ito ani Salvana ang T-cells na siyang sundalo ng ating katawan na siyang susuyod sa virus na nagkukubli sa mga naapektuhang cells at pumapasok sa katawan sa pamamagitan ng bakuna.

Maganda ayon kay Salvana kung magpositibo ang isang vaccine sa antibody test pero hindi dapat aniyang ipag-alala kung magnegatibo man ang resulta.

Pinatunayan na aniya ng mga clinical trial data na sapat na ang T-cells upang madeterminang halos 100 porsiyentong protektado na ang isang nabakunahan mula sa severe case ng virus.

Inihalimbawa ni Salvana ang Chile na kung saan ay 85 porsiyento ng 10 milyon nabakunahan ng Sinovac ang protektado na mula sa moderate to severe effect ng coronavirus.