Pagiging huwaran sa larangan ng paghahanda kontra kalamidad, isinusulong ng Office of the Civil Defense Region 1

Hindi lamang ang pagiging handa sa pagharap sa anumang sakuna ang kasalukuyang ikinakampanya ng Office of the Civil Defense Region 1 kundi ang pagiging huwaran sa larangang ito.

Ayon kay OCD Region 1 Dir. Melchito Castro, bagama’t pangunahin pa rin nilang kampanya ang disaster resiliency sa rehiyon ay mas mainam pa rin kung ang paghahandang isasagawa ng bawat indibidwal, mga grupo at pamahalaang lokal ay hindi lamang para sa sarili kundi maglalayong makatulong sa iba pa.

Sa isang panayam kay Dir. Castro, masaya niyang ibinahagi na muling finalist sa Gawad Kalasag award ang bayan ng San Gabriel sa lalawigan ng La Union. Dahil dito ay nais namang palawigin pa ng San Gabriel ang kanilang kahandaan kontra kalamidad at nakahanda na rin silang magbahagi ng kaalaman sa iba pang interesadong grupo at mga lokal na pamahalaan.

Ikinatuwa ito ng OCD Region 1, dahil ayon kay Dir. Castro, kung mas marami pa ang mga lokal na pamahalaan na may sapat na kaalaman at kahandaan kontra kalamidad, mas magiging madali ang pagiging disaster resilient ng lahat na siya namang tunay na layunin ng disaster risk reduction and management.

Hinimok din ni Dir. Castro ang publiko na patuloy na alamin at gawin ang paghahanda dahil mahalaga ang bawat buhay at kailangan ng ibayong pag-iingat. | via Maricel Fronda-La Union