Pagiging ‘biased’ ni Pangulong Duterte sa mga babae, walang katotohanan ayon sa Malacañang

Pinabulaanan ng Palasyo ang mga batikos at puna kay Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa umano’y dikriminasyon nito sa mga babae.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, walang katotohanan ang ipinupukol na kritisismo ngayon sa Pangulo gayung sa huling appointment o pagtatalaga ng mga opisyal ng gobyerno ng presidente, ito ay kinabibilangan ng mga babae.

Ito ay sina Tourism Secretary Bernadeth Puyat, Comelec Commissioner Soccoro Inting at DSWD Acting Secretary Virginia Orogo.

Malinaw aniyang patunay ito na hindi totoong hindi sang-ayon ang pangulo sa pagtatalaga sa mga babae sa gobyerno.

At batay sa pinakahuling impormasyon hinggil sa short-list na isusumite ng Judicial Bar Council (JBC) kay Pangulong Duterte para sa susunod na Ombudsman, dalawa rito ay babae.

Kabilang dito sina Atty. Edna Batacan dating abogado ni Pangulong Duterte at si Atty. Aileen Lizada na rekomendado naman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).