Pagiging berde at dilaw ng kulay ng tubig sa Taal Lake, dulot raw ng natural na penomena ng “Algal Bloom”

Pinawi ng Department of Environment and Natural Resources -Region 4A ang pag-aalala ng mga residente na nakatira sa mga bayan na nakapalibot sa Taal Volcano ang pagiging kulay berde at dilaw ng tubig sa lawa.

Ayon kay PENRO OIC Noel Recillo, wala umanong koneksyon sa kondisyon o muling pagputok ng bulkan ang pag iba ng kulay ng tubig na nakaagaw ng pansin sa mga residente mula pa noong June 2.

Paliwanag pa ng DENR, ito ay isang penomena ng “Algal Bloom” na napatunayang dumarami ang mga “Blue-Green Algae” sa panahong ito sa paligid ng lawa.

Maaaring sanhi ito ng matabang tubig batay sa pagsusuri ng BFAR-4A Batangas Inland Fisheries Technology Outreach Station.

Gayundin, nanatili sa normal na level ang konsentrasyon ng Dissolved Oxygen sa lawa na nakakatulong na balansehin ang iba pang parametro sa tubig at paramihin ang mga planktons at algae na nagsisilbing natural na pagkain ng isda.

Kabilang sa mga lugar na may makikitang maberde at madilaw na tubig ang bayan ng Balete ,Mataas na kahoy, Lipa, Cuenca, Talisay, Agoncillo, Laurel at Tanauan.