Paghirit nina De Lima at Trillanes na maging intervenors sa quo warranto case na inihain laban kay CJ Sereno, walang saysay

Wala umanong saysay ang paghirit nina Senador Leila De Lima at Antonio Trillanes IV na maging intervenors sa quo warranto case na inihain laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Sa panayam ng media, sinabi ni Atty. Larry Gadon na hindi umano lahat ng abogado na tulad ni De lima ay alam ang kanilang  pinaggagawa.

Ipinaliwanag ni Gadon na ang quo warranto ay walang ibang maaaring mag-intervene sa kaso dahil ang  tanging may ‘legal personality’ dito ay ang mismong inirereklamo na si Sereno.

Bwelta pa ni Gadon, wala ring pinagkaiba ang dalawang senador sa Makabayan bloc ng Kamara na wala umanong ginawa kundi ang magpapansin lang.

Matatandaan noong nakaraang buwan inihain ni Solicitor General Jose Calida ang quo warranto case sa Kataas-taasahang Hukuman para patalsikin ang punong mahistrado nang hindi na dadaan sa  impeachment trial.

Maituturing umano na invalid ang appointment ni Sereno dahil sa hindi tamang Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN) na isa rin sa mga naging batayan ng reklamong impeachment laban sa Chief Justice. | via Shane Juan