Paghingi ng tawad kaugnay ng Recto Bank incident, welcome development at simula na ng closure 

Itinuturing ng embahada ng Pilipinas sa China na isang welcome development ang naging paghingi ng paumanhin ng may-ari ng Chinese fishing vessel na nakabangga sa 22 Pinoy na mangingisda sa Recto Bank.

Ayon kay Ambassador Chito Sta. Romana, malaking tulong ang naturang hakbang ng pagpapakumbaba, para mabawasan ang tensiyon, lalo na’t isa ito sa posibleng mapag-usapan mamaya sa bilateral meeting nina Pangulong Rodrigo Duterte at President Xi Jinping ng China.

Nasa yugto na, ani Sta. Romana, ng closure ang isyu sa banggaan sa Recto bank, bagamat may natitira pang dapat na ma-plantsa, kagaya na lang ng kompensasyong dapat na matanggap ng mga biktima.

Bukod dito, una na din aniyang humingi ng paumanhin ang pamahalaang China, na pinadaan nito sa kanilang foreign ministry, na siyang  nagpahayag na sila ay labis na nalulungkot sa nangyaring insidente.

Maituturing aniyang “breakthrough” ang paghingi ng paumanhin ng may-ari ng Chinese fishing vessel, dahil nalinawan na din ang ilang mga isyu.