Paghina hanggang sa pagkawala ng supply ng tubig nararanasan sa ilang bahagi ng Metro Manila

Nakararanas na ngayon ng paghina hanggang sa pagkawala ng supply ng tubig ang mga customer ng Manila Water sa San Mateo at Rodgriguez sa Rizal at Marikina City.

Nagsimulang maramdaman ang paghina ng supply ng tubig kaninang alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali kung saan maaapektuhan ang may 26,000 residente.

Ang paghina ng water pressure hanggang sa pagkawala ay bunga ng phase 2 ng paglipat ng water supply mula East La Mesa Treatment Plant hanggang sa Southeast Mainline.

Unang itinakda ang paglipat noong Mayo 17 pero muling itinakda mamayang alas-10 ng gabi.

Ginagawa ito ng Manila Water dahil sa patuloy na pagbaba ng water elevation sa La Mesa Dam na nasa 71.98 meters na ngayon, mas mababa sa  80.15 meters spilling level.

Kabilang sa mga maaapektuhan ay ang mga sumusunod na lugar sa mga bayan ng San Mateo, Rodriguez Rizal at Marikina: Ampid 1, Ampid 2, Banaba, Dulong Bayan 1, Dulong Bayan 2, Guitnangbayan 1, Guitnangbayan 2, Guinayang, Malay, Sta. Ana, Burgos, at Parang.

Pinapayuhan ng Manila Water ang lahat ng mga residente sa mga nasabing lugar na mag-imbak ng sapat na tubig. | via Rey Ferrer