Paghihigpit sa mga quarantine checkpoints, ipinag-utos

Ipinag-utos ni National Action Plan on COVID-19 Chairman at Defense Secretary Delfin Lorenzana na higpitan pa ang pagpapatupad ng Quarantine Checkpoint sa buong bansa.

Ito’y upang tiyaking maaabot ng pamahalaan ang target na mapababa ang bilang ng naitatalang mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay National Task Force against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez, isa aniya sa mga susi upang mapigilan ang 2nd wave o ang muling pagdami ng kaso ng virus ay ang mahigpit na pagpapatupad ng Enhanced Community Qurantine (ECQ).

Sa kasalukuyan ani Galvez, nasa 4,457 ang kabuuang bilang ng mga Quarantine Controlled Points ang nakalatag sa buong bansa.

Dahil dito aniya, masisiguro ring tuloy-tuloy pa rin ang pagbiyahe ng pagkain gayundin ng iba pang mga pangunahing produkto.

Kaya naman patuloy na umaapila sa publiko si Galvez na manatili sa bahay, at sama-samang labanan ang COVID-19 sa pagsunod sa tagubilin ng mga awtoridad.