Pagharang ng KMU sa daan sa Lasang, Davao City, inalmahan ni Mayor Sara

Umalma si Davao City Mayor Sara Duterte sa ginawang pagbarikada ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa daan ng Lasang ng siyudad kahapon, Lunes, October 22, 2018.

Giit ni Mayor Inday, ang ginawang ito ng KMU ay pagpapakita ng kanilang intensiyon kung papaano nila papangasiwaan ang bansa sakaling mabigyan sila ng pagkakataon na pamunuan ang gobyerno.

“They terrorize, engender lawlessness, create confusion, disrespect fellow human beings, put lives in danger, and disregard any authority altogether,” saad ni Mayor Sara.

Kanyang sinabi, ang labis na abala na kanilang idnulot sa pagluluwas ng mga produkto at malayang pagkilos ng publiko ay ang dahilan kung bakit hindi nakakakuha ng suporta mula sa Dabawenyo ang mga militante.

Alam aniya ng lahat, na ang mga grupo ng militanteng ito na nagkukunwaring makatao, ay walang ibang gusto kundi maghasik ng karahasan lalo na sa mga ayaw sa kanila, at ng mga teroristang grupo na kanilang sinusuportahan partikular ang New People’s Army (NPA), National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ang Communist Party of the Philippines (CPP).

Binigyan diin ni Mayor Sara, target ng pinakahuling pagbarikada ng mga ito ang Davao City at Dabawenyos, ngunit hindi matitinag ng militante ang mga Dabawenyo.

Muling pinaalalahanan ng opisyal ang mga Dabawenyo, na alalahanin ang nangyari kahapon at mga nauna pang karahasan na ginawa ng mga militanteng grupo sa darating na 2019 elections.

Tahasan nitong sinabi na huwag suportahan ang mga grupo ng partylist sa ilalim ng Makabayan bloc, partikular ang Bayan Muna, Alliance of Concerned Teachers (ACT- Teachers), Anakpawis, Gabriela, Kabataan, at Migrante.

Pinasalamatan naman ng alkalde ang mga commander at tauhan ng Davao City Police Office (DCPO), at Task Force Davao (TFD), gayundin ang Brgy. Captain at mga residente ng Brgy. Lasang sa pagpapakita sa mga grupong ito ng kanilang nagawang abala. | ulat ni Dang Sabdani