Paggawad ng paid mental health leave sa mga empleyado, tinalakay na sa Kamara

Sinimulan nang talakayin ng House Committee on Labor and Employment ang House Bill 6253 o ang pagbibigay ng mental health wellnes leave sa mga empleyado mula sa mga pribadong kumpanya.

Nagkasundo ng ilang mambabatas na lagyan ng limitasyon o qualifier ang panukala upang hindi maabuso.

Ayon kay Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Gabin Jr., pabor siyang mandatory na maipatupad ang 5 days mental health leave basta’t may probisyon para sa limitasyon o criterion base sa rekomendasyon ng mga health professionals.

Bagamat suportado naman ng People’s Managament Association of the Philippines (PMAP) ang panukala, sinabi naman dito ni Mark Enrick Hernandez na dagdag na bigat sa mga employers ang additional 5 days leave dahil ito ay may bayad din at bukod pa ito sa mga leave credits na ibinibigay sa mga empleyado.

Bukod sa private sector ay pinag-aaralan na ring isama sa mabibigyan ng mental health leave ang mga nagtatrabaho sa government o public sector.

Magsasagawa pa ng dagdag na pulong ang komite para ikonsidera ang rekomendasyon ng mga stakeholders.