Paggamit ng NPA ng mga kabataan sa armadong pakikibaka, kinondena ni Lorenzana 

Mariing kinondena ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang paggamit ng New People’s Army (NPA) sa mga kabataan para isulong ang kanilang armadong pakikibaka.

Sa isang statement sinabi ng kalihim na hindi na sikreto at ilang dekada nang nagre-recruit ng mga estudyante ang NPA sa pamamagitan ng kanilang mga front organizations.

Ayon sa kalihim, sinasamantala ng NPA ang demokratikong espasyo sa mga paaralan at mga bulnerableng komunidad para makahikayat ng mga miyembro sa kanilang front organizations na kinalaunan ay napapasama sa NPA.

Ang pahayag ng kalihim ay matapos tumestigo sa Senado kamakalawa ang mga magulang ng limang estudyanteng nawawala matapos na sumali sa mga makakaliwang organisasyon.

Giit ng kalihim, walang pagmamalasakit ang NPA sa mga kabataan at gagamitin nila ang kahit na mga menor de edad para isulong ang kanilang interes.

Kaugnay nito, pinarerebisa ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde sa Senado ang 1988 na kasunduan sa pagitan ng Department of National Defense (DND) at University of the Philippines (UP) na nagbabawal sa mga sundalo at pulis sa loob ng mga campus ng UP nang walang pahintulot ng administrasyon.

Tanong ni Albayalde, paano mapoprotektahan ng mga awtoridad ang mga estudyante sa panlilinlang ng NPA kung bawal silang pumasok sa mga paaralan.