Pagdumog ng mga tao sa isang resort sa Caloocan, nangyari din sa India na nagbunga ng mabilis na pagkalat ng virus -Palasyo

Ipinaalala ng Malacañan ang nangyari sa India na hanggang ngayo’y nakararanas pa din ng matinding hagupit ng COVID-19.

Ang paalala ay ginawa ni Presidential spokesperson Harry Roque kasunod ng naiulat na pagdagsa ng tao sa Gubat sa Ciudad resort sa lungsod ng Caloocan na pinangangambahan ngayong magkalat ng virus.

Dapat aniyang alalahanin ani Roque na ang nangyaring super spreader sa India ay sanhi din ng ginawang pagligo duon ng mga Indiano bukod pa sa ilang kadahilan.

Kaya ang resulta ayon sa tagapagsalita ng Pangulo, disaster na ang dulot ay pagkamatay ng marami at kakulangan sa kapasidad ng kanilang mga ospital duon.

Ang pangyayari aniya sa Gubat sa Ciudad ay isang malinaw na super spreader na kung saan ay huling- huli ang mga bata at matatanda na nakunan ng video at litrato na magkakadikit na naliligo sa nasabing resort —walang mga suot na facemask, lumabag sa ipinagbabawal na mass gathering, at walang takot sa COVID-19.