Pagdiriwang ng World Teachers Day sa Bicol, kasado na

Ang labing tatlong dibisyon sa pitong lungsod at anim na lalawigan sa rehiyon ay may kanya-kanyang aktibidad na inihanda sa pagdiriwang ng World Teachers Day bukas.

Katunayan, ang okasyon ay sinimulan ng isang pulong balitaan sa tanggapang pangrehiyon ng departamento ng edukasyon na pinangunahan ni Assistant Regional Director Cristito A. Eco.

Ang okasyon ay may paksang, “Gurong Pilipino, Turo Mo, Kinabukasan Ko”, nakasentro ang aktibidad sa pagpapahalaga sa kontribusyon ng mga guro sa buhay ng bawat mag-aaral na siyang pag-asa ng ating bayan.

Kaugnay nito, ang bawat dibisyon ay may inihandang handog sa mga guro, katulong ang lokal na pamahalaan at buong komunidad.

Sa lungsod ng Legazpi, ang mga mall ay magbibigay ng diskwento sa mga bilihin para sa mga guro mula 10 hanggang 20%, libreng panonood ng pelikula sa mga sinehan sa malls, at may food chain naman na  magbibigay ng libreng ice cream sa mga guro.

Inilahad din ng  DepEd Bicol ang monetary and non-monetary benefits sa mga guro alinsunod sa batas. | ulat ni Nancy Mediavillo