Pagdinig sa panukalang mandatory ROTC, sinimulan na sa Senado

Sinimulan na ng Senate Committee on Basic Education ang pagdinig tungkol sa panukalang mandatory Reserved Officers Training Corps (ROTC).

Kabilang sa mga senador na mayroong inihaing panukalang batas M sa pagbabalik ng mandatory ROTC ay sina Senador Sherwin Gatchalian, Francis Tolentino, Ronald ‘Bato’ dela Rosa at Richard Gordon.

Sa pagdinig kanina, naungkat ang pangunahing dahilan kung bakit nais ng ilang senador at sektor na ibalik ang ROTC sa kurikulum ng mga estudyante lalo sa grades 11 at 12.

Para kay Gordon, panahon na para maipatupad ang ROTC upang maging handa ang bansa sa anumang external threats, lalo pa’t ang ROTC ay hindi lamang aniya tungkol sa military training.

Ituturo rin aniya dito ang disaster resilience at pagmamahal sa bansa.

Sinabi naman ni Dela Rosa, na makakabuting ipatupad ang mandatory ROTC sa grades 11 at 12 ngunit tinutulan ito ng ilang resource person, at sinabing mas mainam na sa kolehiyo na ito ipatupad.

Samantalang nais naman ni Senador Francis Tolentino na isali ang pulisya sa pagtuturo sa ROTC program.

Ilang senador naman gaya nina Senator Imee Marcos at Pia Cayetano ang tutol sa naturang panukala.

Imbes aniya na military training, ay ipasabak na lamang sa ibang extra-curricular activities ang mga kabataan.

Matatandaang isa ang mandatory ROTC sa mga sinertipikahan na urgent bill ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 17th congress.