Pagdinig ng Senado sa pagbibigay ng GCTA sa mga bilanggo, ginagawa ngayong araw

Dinidinig ng Senado ang kontrobersiya tungkol sa pagpapalaya sa ilang convicted suspect ng heinous crimes, dahil sa Republic Act 10592 o ang Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.

Pinangunahan ng Senate Blue Ribbon Committee at Justice Committee ni Senador Richard Gordon ang naturang Senate Inquiry.

Layon ng pagdinig na silipin ang proseso ng pagbibigay ng GCTA sa mga bilanggo, gayundin ang diumano’y naudlot na pagpapalaya sa convicted rapist-murderer na si dating Calauan, Laguna mayor Antonio Sanchez.

Nasa pagdinig si Bureau of Corrections (BuCor) Chief Nicanor Faeldon, matapos siyang ipa-subpoena nina Senador Gordon at Senate President Vicente Sotto III.  Ayon kay Gordon, mahalaga si Faeldon sa pagdinig, dahil marami itong dapat ipaliwanag.

Dumalo din sa pagdinig sina Justice Secretary Menardo Guevarra, mga kinatawan ng Board of Pardons and Parole, at mga pamilya ng mga biktima ni Mayor Sanchez na sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez.

Base sa datos ng BuCor, higit sa 22,000 na bilanggo na ang nakalaya mula 2014 hanggang nitong Agosto 2019.

Kabilang dito ang 1,914 na convicted sa kasong heinous crimes gaya ng rape, murder, drug offenses, parricide at kidnapping.

Lumalabas rin na taun-taong tumataas ang bilang ng heinous crimes convicts mula 62 noong 2014, sa 816 ngayong taon.