Pagdinig ng Senado sa Divorce Bill, sinimulan ngayong araw

Sa unang pagkakataon, tinalakay sa Senado ang panukalang batas na naglalayong magkaroon ng diborsyo sa Pilipinas.

Pinapangunahan ng Senate Women, Children, Family Relations and Gender Equality Committee na pinamumunuan ni Senador Risa Hontiveros ang pagdinig.

Sa kanyang opening statement, sinabi ni Hontiveros na maituturing na makasaysayan ang unang deliberasyon na ito ng Divorce Bill.

Layon aniya nitong mabigyan ng ikalawang pagkakataon ang mga biktima ng failed marriages na magkaroon ng second chance sa pag-ibig at maiayos ang kanilang pamilya at buhay.

Sa unang bahagi nitong pagdinig ay nagbahagi ng kanilang mga karanasan ang ilang miyembro ng Divorce Coalition Philippines gaya na lamang ni Gng. Stella Sibonga.

Napilitan siyang pakasalan ang kanyang asawa dahil nabuntis na siya nito.

Kalaunan ay naging biktima siya at ang kanyang mga anak ng pananakit ng kanyang asawa.

Bagamat nag-file at na-grant ng korte ang inihain niyang annulment laban sa asawa ay hindi naman siya nabigyan ng certification dahil sa Motion for Reconsideration na inihain ng solicitor general sa naturang kaso.

Nagbigay rin ng mga paninindigan ang mga grupong Anti-Divorce Bill gaya ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), Alliance for Family Foundation at Coalition of Concerned Families of the Philippines.

Kabilang sa kanilang mga ipinunto ang pagiging unconstitutional umano ng divorce.

Anila, nakasaad sa Konstitusyon ng Pilipinas na obligasyon ng gobyerno na protektahan at patatagin ang pamilyang Pilipino.

Dahil dito, hindi aniya maaaring ipasa ang divorce sa bansa hangga’t hindi binabago ang kasalukuyang konstitusyon.