Pagdeklara sa Pangasinan bilang “insurgency free,” kasado na – NOLCOM

Kasado na ang pagdedeklara sa lalawigan ng Pangasinan bilang “insurgency free.”

Ito ang iniulat ni Major Ericsson Bulosan, Public Affairs Office Chief ng Northern Luzon Command (NOLCOM), matapos na magpulong ang mga opisyal ng 7th Infantry (Kaugnay) Division, Philippine Army, at mga lokal na opisyal ng lalawigan para i-evaluate ang sitwasyon sa lugar.

Ang pagpupulong na isinagawa sa Provincial Capitol ay pinangunahan ni Brig. General Lenard T. Agustin mula sa 7ID at Pangasinan Governor Amado I. Espino III.

Ang pagpupulong ay kasunod ng unang pagpasa ng Joint recommendation ng 702nd Infantry Brigade, 7ID ng Philippine Army at ng Pangasinan Police Provincial Office ng PNP, para ideklarang “insurgency free” ang lalawigan.

Ang pagdeklara sa isang lalawigan bilang “insurgency free” ay nakabatay sa assessment ng Area Clearing Evaluation Board (ACEB) na pinangunahan ng gobernador, na magsesertipika na wala nang presensya sa lugar ang CPP-NPA at local terrorist groups.

Inaasahan na bago matapos ang taon ay tuluyan nang maidedeklarang “insurgency free” ang Pangasinan. | ulat ni Leo Sarne