Pagdausdos ng volcanic debris sa bulkang Mayon, pinangangambahan sa panahon ng tag-ulan; mga residente, dapat mag ingat – Phivolcs

Bagama’t hindi direktang tatama ang bagyong Domeng sa bansa, inaasahang magdudulot naman ito ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.

Bunga nito pinag-iingat ng Philippine Institute of Volcanology and Siesmology (Phivolcs) ang mga residente sa paligid ng Bulkang Mayon sa posibleng masamang epektong dala nito.

Ayon kay Phivolcs Senior Research Specialist Paul Alanis, malaking volume ng volcanic debris ang nakaimbak sa tuktok ng bulkan at posibleng dumaloy ito kapag may malalakas na ulan.

Babala nito sa mga residente na lumayo sa mga active river channel at sa mga lahar prone areas lalo na sa southern at eastern sectors.

Sa ngayon tahimik ang bulkang Mayon sa pag-aalburuto pero nananatiling peligro ito lalo na ngayong may mga pag-ulan.

Kahapon, isang volcanic earthquake lamang ang naitala ng seismic monitoring network sa bulkan sa nakalipas na 24 oras pero pansin ang mahinang pagbuga ng abo at crater glow sa summit tuwing gabi. | ulat ni Rey Ferrer