Pagdating sa bansa ng US-made vaccines, inaasahang magpapalakas ng vaccine confidence ng publiko

Positibo si Assistant Majority Leader Precious Hipolito-Castelo na tataas ang kumpiyansa ng mga Pilipino sa COVID-19 vaccines bunsod na rin ng donasyong bakuna ng US sa Pilipinas.

Ayon sa kinatawan, batay sa isang survey, lumabas na mas pinipili ng mga Pilipino ang COVID-19 vaccines na gawa ng US at iba pang western manufacturers.

Dahil dito ay naniniwala si Castelo na mas mahihikayat na ngayon ng gobyerno ang maraming nag-aalangang Pilipino na magpabakuna dahil sa vaccines na mula sa Estados Unidos.

Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., posible ngayong buwan ng Hunyo ay matanggap ng Pilipinas ang donasyong AstraZeneca vaccine mula US, bukod pa ito sa 250,000 doses ng Moderna na darating sa June 25, at ang pakikipagkasundo rin sa Pfizer.

Hinimok naman ni Castelo ang mga Pilipino na kunin na ang anumang available na bakuna dahil ito ang pinakamainam na proteksyon laban sa COVID-19.

Kasabay nito ay nagpaalala si Castelo sa publiko na patuloy na sundin ang basic health protocols anuman ang bakunang natanggap lalo’t posible pa ring magkasakit kahit nabakunahan na.