Pagdakip ng otoridad sa grupo ni Ocampo, paalala sa mga militanteng grupo na lumalabag sa batas – MalacaƱang

Nanawagan ang Palasyo sa grupo ni dating BAYAN Muna Representative Satur Ocampo na sumunod sa mga umiiral na batas.

Pagbibigay-diin ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, na kung nagsisilbi kasing front ng New People’s Army (NPA) ang BAYAN Muna at iba pa nitong mga kaalyadong samahan para isulong ang interes ng komunistang grupo, walang dudang may nilalabag itong batas.

Ayon sa tagapagsalita ng Pangulo, ground ito sa pagsasampa ng kaukulang asunto dahil malinaw na may conspiracy angle o pakikipagsabwatan sa NPA.

Dapat ani Panelo, na ituring ng grupo ni Ka Satur bilang babala ang ginawang pag-aresto sa kanya kamakailan ng mga otoridad sa Davao del Norte.

Hindi kasi aniya palalagpasin ng pamahalaan ang ginagawang panggugulo ng mga ito lalo pa sa hanay ng mga Lumad.

Samantala, sinabi ni Panelo na hindi pwedeng sabihin ng mga militanteng grupo na nilalabag ang kanilang karapatang pantao, dahil malinaw na gumagana ang proseso ng batas.

Patunay aniya nito ang paglagak ng piyansa ng grupo ni Ka Satur para sa pansamantala nilang paglaya. | ulat ni Alvin Baltazar