Pagdagsa ng malaking bilang ng pasahero, mararamdaman na ngayong araw sa Araneta Center bus terminal

Asahan na ngayong araw ang dagsa ng malaking bilang ng mga pasaherong luluwas ng lalawigan para sa paggunita ng Semana Santa.

Ayon kay Ramon Legaspi, manager ng Araneta Center bus terminal sa Cubao, Quezon City, posibleng aabot sa 6,000 hanggang 8,000 pasahero ang dadagsa sa dalawang malaking bus terminal sa loob ng Araneta Center.

Kahapon, naitalang humigit kumulang 2,000 pasahero ang umalis sa nabanggit na terminal.

Base sa pagtaya kumpara noong nakalipas na taon, mas marami ang pasahero na paalis ngayon patungo sa mga lalawigan.

Sa panig ng Department of Transportation at mga attached agencies nito, kanila pang mas hihigpitan ang pagbabantay at inspection sa mga bus na bibiyahe sa mga lalawigan.

Nitong nagdaang araw, dalawang tsuper ang nagpositibo sa surprised drug testing na isinagawa sa Araneta Center bus terminal at hindi sila pinayagan na makapagpaneho.

Sasailalim pa sila sa confirmatory test bago tuluyang patawan ng suspension o ipasok sa rehabilitasyon. | via Rey Ferrer