Pagdagdag ng vaccination sites, dapat kasabay ng pagdami ng COVID vaccines na dumarating sa bansa

Kailangan nang magdagdag pa ng mga active vaccination site sa bansa, kasabay ng pagdami ng mga COVID-19 vaccine na dumarating sa Pilipinas.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni National Vaccination Operation Center Chair Myrna Cabotaje, na upang maabot ang target number ng bakuna na maituturok kada araw, kailangan rin na i-expand ang existing number ng vaccination sites sa kasalukuyan.

Nilinaw ni Usec. Cabotaje, na nakadepende pa rin ito sa bilang ng bakuna na maipapadala sa isang lugar, area populasyon, at maging ang bilang na target na mabakunahan ng mga ito.

Sinabi ni Usec. Cabotaje, na ngayong nagdadatingan na ang mas malalaking volume ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas, umaasa ang gobyerno na tataas pa sa 60-70, 000 doses ang maituturok kada araw.

Binigyang diin rin nito, na hindi dapat mamili ng brand ng bakuna ang publiko sa oras na magsimula na ang paggulong ng vaccination program sa kanilang lugar. Ang mga bakuna aniya na mula sa COVAX Facility ay nakalaan lamang para sa A1-A3 priority list.