Pagdagdag ng 2 oras sa biyahe ng tren, ikinukunsidera ng MRT 3

Pag-aaralan ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 ang mungkahi na palawigin pa ng dalawang oras ang biyahe ng mga tren mula sa orihinal na schedule nito.

Sa isang kalatas, sinabi ng MRT-3 management, bagamat pursigido sila na ihatid ang mabilis at may kalidad na serbisyo sa mga pasahero, dapat ikunsidera na ang mga tren ay may kalumaan na at nangangailangan ng sapat na panahon para sa preventive maintenance.

Sa ngayon ay sasailalim pa lamang ito sa extensive rehabilitation and maintenance ng Sumitomo-Mitsubishi Heavy Industries.

Sa kasalukuyan, dahil sa isinasagawang preventive maintenance, pinagkakasya ang mga available trains sa loob ng apat na oras.

Maliban dito, ang dalawang-oras na working extension ay mangangailangan ng dagdag na train personnel at dagdag na bayarin sa konsumo ng kuryente.

Mas prayoridad ng MRT3 management na maiwasan ang mga insidente ng unloading ng mga pasahero, incidents at service interruptions.

Sa kasalukuyan ang orihinal na oras ng biyahe ng train ng MRT 3 ay mula alas-5:30 ng umaga hanggang alas-10:30 ng gabi. | ulat ni Rey Ferrer