Pagbuo ng Solid Waste Management Commitee para pangalagaan ang kalikasan, ipinag-utos na – DILG

Ipinag-utos na ng Department of Interior and Local Government sa mga barangay officials na tutukan ang pangangalaga sa kalikasan sa kanilang lugar.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC Secretary Eduardo Año, magagawa aniya ito sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga hakbang tungkol sa solid waste management lalo na ngayong tag-ulan.

Aniya, ang pangangalaga sa kalikasan at maayos na solid waste management practices ay dapat nagsisimula sa mga barangay.

Sa inilabas na Memorandum Circular 2018-112 ng DILG, dapat na iorganisa o ireorganisa ang kanilang Barangay Ecological Solid Waste Management Committee (BESWMC) na mangunguna sa pagsasagawa ng community solid waste management program na naaayon sa kanilang mga munisipyo at syudad.

Hinikayat din ni Año ang mga alkalde at gobernador na ipatupad nang maigi ang mga polisiya at panuntunan ukol sa Ecological Solid Waste Management o ESWM.

Responsibilidad din ng BESWMC na magtatag ng Material Recovery Facility sa mga barangay, maglaan ng pondo para sa programa ng ESWM na aprubado ng Sangguniang Barangay at isama sa Barangay Development Plan at/o Annual Investment Plan.   | ulat ni Rey Ferrer