Pagbuo ng isang housing department, sistematikong tugon sa problema sa pabahay – Sen. JV Ejercito

Sa paglusot sa Senado ng panukala na pag-isahin na lamang ang lahat ng housing agencies ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbuo ng Department of Human Settlements and Urban Development, umaasa si Sen. JV Ejercito na gagawin nitong mas episyente ang burakrasya at mapipilitang magtrabaho ng magkakatugma ang mga shelter agency.

Si Ejercito, na siya ring chair ng Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement, ay nagsabi na sa nakalipas na 30 taon, ang bansa ay napagkaitan ng isang makatwiran at sistematikong paraan ng pagtugon sa pangangailangan sa pabahay.

Patuloy na hinahamon ang bansa ng problema sa over-crowding, paghihigpit na mabuksan ang lupa para sa “human settlement”, at dumaraming bilang ng mga walang bahay at mga tumitira sa mga slum area at danger zone.

Kaya aniya, ang kailangan ngayon ay isang housing department na may isang board na nagta-trabaho sa iisang direksyon.

Ang paglikha umano ng Department of Human Settlements and Urban Development ay pagsasamahin ang “administrative functions” ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at ang “planning and regulatory functions” ng Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB).

Ipinanukala din ng naturang bill ang pagbuo ng isang National Shelter Board upang tugunan ang mga polisiya at plano sa pabahay, at mabawasan ang burukrasya.  | ulat ni Ched Oliva