Pagbuo ng independent national transport safety board, suportado ng PNP

Supportado ng Philippine National Police o PNP ang panukalang batas sa Kongresso na bumuo ng independyenteng National Transportation Safety Board.

Inihayag ni PNP-Aviation Security Group Director Chief Superintendent Dionardo Carlos at ni HPG Director Chief Superintendent Arnel Escobal ang kanilang pagsuporta sa hakbang na ito sa isinagawang Joint Committee hearing ng committee on government reorganization at committee on transportation.

Ang AVSEGROUP ang pangunahing responsable sa seguridad sa mga paliparan habang ang Highway Patrol Group o HPG naman ang nakatutok sa kaligtasan ng mga motorista sa mga lansangan.

Sinabi ni Carlos na ang binubuong independent NTSB ay magiimbestiga sa lahat ng transport incidents. Layon aniya nitong mapanatili ang safety standards para sa kaligtasan ng mga pasahero na bumabyahe sa dagat, himpapawid at lupa.

Sinabi ni Carlos na sa panig ng PNP, mas matututukan ng mga pulis ang kanilang pangunahing tungkulin na magpatupad ng seguridad, kung may ibang ahensya ng pamahalaan na aako ng responsibilidad sa pag-iimbestiga at pagpapanagot sa mga responsable sa mga transportation accidents. | Ulat ni Leo Sarne