Pagbuo ng Department of Human Settlements and Urban Development, hindi makakaapekto sa ibang shelter agencies

Pinawi ni Senador JV Ejercito ang pangamba na magdudulot ng malawakang tanggalan ng mga empleyado ang pagbuo ng Department of Human Settlements and Urban Development.

Ang pagtitiyak ay ginawa ni Sen. Ejercito sa kanyang talumpati sa Performance Challenge Fund Summit ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na ginanap sa Quezon City, kasunod ng pagkakapasa sa Senado ng panukalang batas na lilikha ng bagong departamento.

Kabilang sa mapapasailalim sa Department of Human Settlements and Urban Development ay ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB).

Ang departamento ang tanging magpaplano at lilikha, at mag-aayos ng polisiya at magmomonitor ng mga programa sa housing, human settlements at urban development.

Tiniyak ni Ejercito, na wala namang mabubuwag na ahensya kaya walang dapat ikabahala ang mga opisyal at mga kawani.

Layunin lamang ng gobyerno, na magkaroon ng iisang direksyon ang key shelter agencies at mawawala na ang paulit-ulit na problema sa backlog ng mga housing project, katulad ng problema na nilikha ng Yolanda crisis.

Sa ginanap na summit kanina, binigyan ng parangal ng DILG ang ilang Local Government Unit (LGU), na nagpakita ng kahusayan sa pamamamahala ng kanilang lokal na pamahalaan. | ulat ni Rey Ferrer