Pagbuhay sa organized bus route system, suportado ni House Committee on Transportation Chair Sarmiento

Suportado ni House Committee on Transportation Chair Edgar Mary Sarmiento ang panawagan ni dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chair at ngayo’y Marikina 1st District Representative Bayani Fernando, na ibalik ang organized bus route system.

Aniya, sa tulong nito, mas magiging organisado ang dispatching ng mga bus at kanilang mga ruta para maiwasan ang pagkukumpol-kumpol at agawan ng pasahero sa kalsada.

Nanawagan rin si Sarmiento sa Department of Labor and Employment (DOLE) na ipatupad na ang Department Order 11-82 para sa ‘fixed salary’ ng mga bus drivers pati na mga konduktor.

Inihihirit din ng mambabatas ang paggamit ng e-card system sa bus na bahagi pa rin ng one-year road map na siyang binubuo ng komite.

Layunin ng e-card system na maging maayos ang revenue collection ng mga bus companies at bawas oras din sa pangongolekta ng bayad sa mga pasahero.