Pagbubunyag ng “Red October” hindi bahagi ng umano’y plano para magdeklara ng nationwide Martial law – PNP Spox Durana

Ang pagsisiwalat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ng “Red October” ouster plot laban sa Pangulo ay hindi bahagi ng plano diumano para magdeklara ng nationwide martial law.

Ito ang tahasang pagtanggi ni PNP Spokesperson Csupt Benigno Durana sa akusasyon ni Vice President Leni Robredo na kinukondisyon ng pamahalaan ang utak ng mga mamamayan sa pagpapalutang ng banta ng “Red October.”

Ayon sa Vice President ito ay preparasyon para sa umano’y plano ng gobyerno na magdeklara ng nationwide Martial law.

Sagot naman ni Durana, ang AFP at ang PNP mismo ang nagsasabi na ayaw nila sa nationwide martial law.

Wala kasi aniya silang nakikitang dahilan para ipatupad sa buong bansa ang batas militar, dahil hindi ito naaakma sa umiiral na economic at political conditions.

Una nang sinabi ng militar na ang “Red October” ay plano ng mga komunista na patalsikin ang Pangulo sa pamamagitan ng pakikipag-alyansa sa iba pang kalaban ng pamahalaan para maglunsad ng “people power” kontra sa administrasyon. | ulat ni Leo Sarne