Pagbubukas ng historical sites at museums sa NCR+, napapanahon para sa Independence Day

Inanunsyo ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, na bubuksan na sa publiko ang historical sites at mga museo sa NCR Plus, nang may limitasyon sa kapasidad.

Batay sa desisyon ng Inter-Agency Task Force, ang mga naturang tourism site ay lilimitahan sa 20 percent venue capacity, pero bawal pa rin ang guided tours.

Sinabi ni Puyat, na napapanahon at magandang balita ang pagbubukas ng mga museo at historical sites, lalo at gugunitain ang Independence Day bukas.

Ipinunto nito, na sana ay magsilbing paalala ang mga naturang tourist site sa mayamang kultura at kasaysayan, pati na ang kabayanihan ng mga lumaban para sa kasarinlan.

Dagdag pa ng kalihim, bahagi ito ng pagsusumikap ng ahensya na ibangon ang turismo at leisure activities sa ligtas na paraan, at ibalik ang mga nawalang hanapbuhay.

Sa kabila nito, hinimok ng Department of Tourism ang mga bisita, na sundin ang minimum health at safety protocols na itinakda sa historical sites at museums, upang maiwasan ang posibilidad ng COVID-19 outbreak.