Pagbisita ni Sen. De Lima sa kanyang ina, aprubado ni Pangulong Duterte

Aprub kay Pangulong Rodrigo Duterte ang nais ni Senador Leila de Lima para madalaw ng personal at mabisita ang inang may karamdaman.

Ito ang ipinaabot ni Senador Bong Go bilang tugon ng Pangulong Duterte sa katanungang ipinadaan sa kanya para sa Chief Executive patungkol sa posisyon nito hinggil sa hirit na furlough ni De Lima para madalaw ang inang si Ginang Norma sa Iriga city.

Wala aniyang problema sa Punong Ehekutibo sa hiling na furlough ng mambabatas na nananatili sa kustodiya ng Philippine National Police(PNP) Custodial Center dahil sa mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga.

Ang furlough ay inihain ng kampo ng senadora sa Muntinlupa Regional Trial Court na dito’y hinihiling nitong mapagbigyan siyang makabisita sa kanyang ina sa Agosto 15 o mas maaga pa kaysa sa nasabing petsa.

Una nang sinugod sa Villanueva Tanchulling General hospital sa Naga si Aling Norma noong Agosto 4 at sinasabing nasa kritikal na kondisyon.