Pagbisita ng Vietnamese Navy sa Kalayaan Islands, malugod na tinanggap ng Philippine Navy

Malugod na tinanggap ng Philippine Navy ang pagbisita ng Vietnamese Navy sa Philippine-occupied Parola Island (Northeast Cay) sa Kalayaan group of islands (Spratley Islands) sa West Philippine Sea.

Sa ulat ni Commodore Rommel Jason Galang, Commander ng Naval Forces West, ang Vietnamese People’s Navy contingent na binubuo ng 63-katao ay pinamunuan ni Sr. Captain Nhuyen Viet Thuan.

Sila ay sinalubong sa Parola Island ng Fleet marine personnel ng Naval Forces West, na pinamumunuan ni Capt. Carlos Sabarre, deputy commander for fleet operations.

Sa naturang pagbisita, nagsagawa ng goodwill games ang mga tropa ng Pilipinas at Vietnam tulad ng volleyball, football, tug-of-war, centipede race, sack race at palo-sebo na nagpatibay ng samahan ng magkabilang panig.

Nagsagawa rin ng joint training ang mga tropa tulad ng table top exercises at communication exercises, upang mahasa ang inter-operability ng Philippine at Vietnamese Navies.

Ayon kay Commodore Galang, ang pagbisita ay lumikha ng isang “friendly atmosphere” sa pagitan ng Philippine at Vietnamese navies sa pagsulong ng kooperasyon sa West Philippine Sea.

Ang Parola Island ang pangatlong pinakamalaking isla na okupado ng Pilipinas sa Kalayaan group of islands sa pinag-aagawang West Philippine Sea. | ulat ni Leo Sarne