Pagbibitiw sa pwesto ni PNP Chief Albayalde, suportado ni Rep. Biazon

Naniniwala si House Committee on National Defense Vice Chairperson, Muntinlupa Representative Ruffy Biazon na tama lamang ang ginawang pagbibitiw ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde sa kanyang pwesto.

Aniya, para sa mga “men in uniform” palaging kapakanan ng institusyon ang uunahin kumpara sa sarili lalong lalo na ang mga nasa matataas na posisyon.

Sinabi ng kongresista, na sa boluntaryong pag-alis ni Albayalde sa kanyang pwesto, ay magagawa na nitong depensahan ang kanyang sarili sa pagkakadawit sa isyu ng mga ninja cop, nang hindi inaalala ang iba pang responsibilidad nito bilang hepe ng pambansang pulisya.

Samantala, nanawagan naman si Bayan Muna Representative Ferdinand Gaite, na kahit na nagbitiw na si Albayalde ay dapat pa ring ituloy ang imbestigasyon sa isyu ng GCTA at “ninja cops”.

Naniniwala rin si Gaite, na dapat ding imbestigahan ang mga nakaraang hepe ng PNP.