Pagbibitiw sa pwesto ni Gen. Albayalde, pagkakataon para sa PNP na suriin ang organisasyon

Bagamat ikinalulungkot ang pagbibitiw sa pwesto bilang Philippine National Police (PNP) chief ni General Oscar Albayalde, sinabi ni Senador Richard Gordon na pagkakataon na ito para sa PNP upang suriin ang kanilang organisasyon.

Ayon kay Gordon, panahon ito upang pag-aralang mabuti ng pambansang pulisya kung sino ang mabubuting tao na maaari nilang ilagay bilang susunod na hepe ng PNP.

Sinabi rin ni Senador Gordon, na dapat nang itigil ng PNP ang kanilang kultura, na pagprotekta sa mga kaklase o pagpapahalaga sa katapatan sa mga kapwa opisyal.

Dapat aniya, ay mauna ang katapatan nila sa tungkulin sa bayan at hindi sa kabaro.

Dagdag pa ni Gordon, dapat na rin aniyang pagnilay-nilayan ni Albayalde ang mga susunod niyang magiging hakbang partikular ang pagharap sa mga kasong posibleng isampa laban sa kanya.

Una nang sinabi ni Senate President Vicente Sotto III, na magandang desisyon ang early retirement ni Albayalde, dahil itinakda ng mas maaga ang turnover ceremony ng PNP sa October 29 imbes na sa November 8.

Ngayong nagbitiw na sa pwesto si Albayalde, sinabi ni Sotto na hihintayin na lang niya ang susunod na mangyayari.

Samantala, sinabi naman ni Senador Francis Pangilinan, na dapat panagutin ang nagbitiw na PNP chief sa kontrobersiyang kinasangkutan nito.