Pagbibigay ng joint property rights sa mga same-sex couples, muling isinusulong

Kasunod ng pahayag ni Pope Francis para sa same-sex civil unions, muling binuhay ni Senadora Imee Marcos ang panawagang bigyang-karapatan ang same-sex partners para sa joint property na halos katulad sa kasal na heterosexual couples.

Sa ilalim ng Senate Bill 417, nais ni Marcos na bigyang pahintulot ang same-sex couples, na nagsasama na ng kahit isang taon, ng patas na bahagi para sa kanilang property, income, donations o mga regalo na natanggap sa panahon ng kanilang pagsasama.

Para naman magkaroon ng proteksyon laban sa mga pag-abuso sa same-sex relationships, ang mga namanang mga ari-arian na nagsasangkot sa ibang partido ay hindi kasali sa panukalang batas.

Ang pagrerenta o pagbebenta naman ng mga ari-ariang nakuha habang nasa isang relasyon ang isang same-sex partners ay kailangang maaprubahan at mailagay sa opisyal na dokumento habang ang inutang naman na walang permiso sa isa sa kapartner ay kinokonsiderang personal na obligasyon at pananagutan.

Nakasaad rin dito na ang co-ownership ng property ay matatapos kapag naghiwalay na ang same-sex couple, namatay o permanenteng nagkaroon ng kapansanan ang isa sa kanila at kinakailangan namang patas na hatiin ang lahat ng kanilang pag-aari.

May opsyon naman ang same-sex partners na ituloy ang joint ownership ng property, pero kailangang deklarado ito ng magkapareha at nasa opisyal na dokumentong notaryado ng abogado.

Ayon kay Marcos, panahon na para seryosyong talakayin ang lehislasyon na pakikinabangan ng ating mga kamag-anak, kaibigan, mga katrabaho na bahagi ng LGBTQ community.