Pagbibigay ng incentive sa mga nag-aalangang magpa-bakuna, kinokonsidera na rin ng DOH

Pinag-aaralan na rin ng Department of Health (DOH) ang pagbibigay ng insentibo sa mga mamamayan para sila makapagpabakuna.

Sinabi ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire sa ginanap na virtual briefing na wala silang nakikitang masama kung mamahagi ng insentibo sa mga mamamayan na nag-aalinlangang magpabakuna kontra sa COVID-19.

Ayon kay Vergeire, ang pangunahing layunin ng pamahalaan ay mabakunahan ang 70% na bahagi ng populasyon.

Aminado rin si Usec. Vergeire na maraming dahilan kung bakit nagkakaroon ng vaccine-hesitancy ang ilang mamamayan para sila mabakunahan.

Marami din anyang incentives na hindi lamang pera na maaaring ibigay sa mga tumatangging mabakunahan.

Dagdag pa ni Vergeire na maglalabas ng guidelines ang DOH kaugnay sa konsepto ng pamahalaan sa pagkakaloob ng insentibo na kasama sa paghikayat sa publiko.