Pagbibigay ng advanced 13th month pay sa mga nagtatrabaho sa Boracay, nabuksan sa huling Cabinet meeting 

Iminungkahi ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque sa huling Cabinet meeting na ibigay na sana nang advance ang 13th month pay ng empleyadong nagtatrabaho sa Boracay.

Sa gitna na rin ito ng nakakasa ng pansamantalang pagsasara ng isla bukas para sumailalim sa rehabilitasyon.

Ayon kay Roque, inilatag niya ang suhestiyon sa pinakahuling pagpupulong ng mga miyembro ng gabinete at positibo naman aniya ang pagtanggap ng Cabinet members tungkol dito.

Pag-amin ng Palace spokesperson, hindi niya orihinal na ideya ang mungkahi at sinabing nakuha niya aniya ito sa ibang malalaking resort sa Boracay na nakahandang magbigay ng advanced 13th month  pay sa kanilang mga empleyado.

Punto pa ni Roque na kung kaya ng ibang nagmamay-ari ng resort na gawin ang hakbang, bakit hindi magagawa ng iba.

Gayunpaman, nasa diskresyon pa rin ani Roque ng mga employer kung susundan ang hakbang ng ilang resort owners gayung boluntaryo lang naman aniya ang nasabing inisyatibo. | via Alvin Baltazar