Pagbawi ng DOF at BIR sa karagdagang buwis sa mga pribadong paaralan, welcome kay Senador Angara

Nagpasalamat si Senate Committee on Finance Chairman Senador Sonny Angara kay Finance Secretary Carlos Dominguez III sa pagsuspinde nito sa pagpapatupad ng dagdag buwis sa mga pribadong paaralan.

 Matatandaang una ng kinuwestiyon ng mga senador at private educational institutions ang BIR resolution na inilabas noong Abril, itinataas sa 25 percent ang proprietary tax sa mga educational institutions na pinapatakbo ng mga stock corporations, ‘yan ay mula sa dating 10 percent proprietary tax lamang.

Pero sa bagong kautusan na inilabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) nitong Lunes, binabawi na muna ito para ibsan ang pasakit na nararanasan ng mga proprietary educational institutions lalo na sa gitna ng umiiral na COVID-19 pandemic.

Sa kabila ng kautusang ito, pinunto ni Angara na pansamantala lamang ito at ang permanenteng solusyon dito ay ang magmumula na sa aksyon ng kongreso. 

Kailangan aniyang amyendahan ang Section 27(B) ng National Internal Revenue Code of 1997 para klaruhin ang mga buwis na itinatakda sa mga paaralan. 

Sa ngayon ay may nakahain nang panukalang batas sa senado tungkol dito (Senate bill 2272) at natalakay na rin ito ng Senate Ways and Means Committee.