Pagbawal sa paggamit ng pintura na may lead content, mahigpit na isisinusulong sa Brigada Eskwela ng isang environmental group

Hinimok ng environmental group na Ecowaste Coalition ang lahat ng public elementary at secondary schools na gumamit ng mga pintura na ligtas sa lead sa taunang Brigada Eskwela na pasisimulan na sa Mayo 28 hanggang Hunyo 2.

Ito ay bilang suporta sa Department Order No. 4 na inisyu ni Education Secretary Leonor Briones noong nakaraang taon na tiyakin ang paggamit ng ‘lead-safe paints’ sa mga eskuwelahan.

Ayon kay Thony Dizon, EcoWaste Coalition chemical safety campaigner, nais lang ng environment group na iiwas sa exposure ang mga kabataan.

Ang pagkakalantad aniya sa lead ay maaaring humantong sa permanenteng pagkasira sa utak ng isang bata at makakaapekto sa central nervous system, makapipinsala sa paglago at pag-unlad, at sanhi ng mga problema sa pag-aaral at pag uugali.

Base sa ulat ng US Environmental Protection Agency, ang common lead hazards sa mga eskuwelahan ay ang lead-based paint, lead dust at contaminated soil.

Sa linggo ng Brigada Eskwela, magtatatag ang EcoWaste Coalition ng isang roving team na sesentro sa mga paaralan ng Quezon upang itaguyod ang pagsunod sa kautusan ng Department of Education. | via Rey Ferrer