Pagbasura ng SC sa quo warranto petition laban sa Pangulo, welcome sa Palasyo

Ikinatuwa ng Palasyo ang desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang quo warranto petition ni Atty. Elly Pamatong laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Salvador Panelo, simula pa lamang ay itinuturing na nila na walang ligal na basehan ang petisyong ito, at sinegundahan aniya ng Supreme Court ang paniniwalang ito sa pamamagitan ng pagbasura sa petisyon.

Bagamat wala pa aniyang kopya ng High Court ruling na natatanggap ang Palasyo, sumasang-ayon sila sa grounds for dismissal nito, gaya ng pagkabigo nito na mag-file ng quo warranto case sa loob ng prescriptive period at kawalan ng legal standing ng naghain ng petisyon.

Ayon kay Panelo, tanging ang solicitor general lamang ang maaaring maghain ng quo warranto petition at hindi kwalipikado dito si Atty. Pamatong.

Layon sana ng quo warranto petition ni Atty. Pamatong na patalsikin sa pwesto si Pangulong Duterte bilang Presidente ng bansa dahil sa umano’y election technicality noong 2016 National Elections.  | ulat ni Racquel Bayan