Pagbasura ng Korte sa petisyon laban sa “profiling” ng mga miyembro ng ACT, welcome sa PNP 

Welcome sa Philippine National Police (PNP) ang pagbasura ng Court of Appeals sa petisyon ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na kumukwestyon sa ginawang “profiling” ng PNP sa ilang mga miyembro ng grupo.

Sa isang statement, binigyang-diin ni PNP Spokesperson Sr. Supt. Bernard Banac na ang kanilang aksyon ay bahagi lang ng tungkulin ng PNP na pangalagaan ang kapakanan ng estado.

Ang reklamo ng ACT ay bunsod ng isang umano’y confidential PNP memo na nag-leak, kung saan nakasaad ang pag-momonitor sa ilang mga guro na miyembro ng ACT.

Una nang sinabi ni PNP Chief Police Dir. Gen. Oscar Albayalde na kung minamanmanan ng PNP ang pagkilos ng ilang mga miyembro ng ACT, ito ay para na rin matukoy kung sino sa mga ito ang nakikipagsabwatan sa mga kalaban ng estado.

Tinukoy ni Albayalde na mismong si Communist Party of the Philippines (CPP) Founding Chair Jose Maria Sison ang nagsabi na ang ACT ay kabilang sa legal front organizations ng kilusang komunista.

Ayon pa kay Banac, ang lahat ng aktibidad ng PNP ay naayon sa batas at sumasailalim sa konsepto ng “presumption of regularity”. | ulat ni Leo Sarne