Pagbalik sa mga tinanggal na probisyon sa orihinal na BBL, iginiit ng Muslim groups

Hindi tatanggapin ng iba’t ibang Muslim group ang substitute Bangsamoro Basic Law (BBL) na itinutulak ng mga senador at kongresista.

Nagtipun-tipon kanina sa EDSA shrine ang grupong Insider Mediator, isang grupo na binubuo ng peace advocates sa Mindanao para igiit na maibalik ang mga tinanggal na probisyon sa orihinal na BBL.

Ayon kay Shalom Allian ng Insider Mediator, hindi umano tumutugma ang substitute bill sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro na nilagdaan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sa halip aniya na mapalakas ay nalalagay sa alanganin na sitwasyon ang Bangsamoro sa bagong bersyon ng BBL.

Naniniwala si Allian na malaki ang epekto ng maling pananaw at persepsyon ng mga kongresista at mga senador sa Bangsamoro kung kaya’t nagiging malabnaw ang BBL.

Idinagdag din ni Shalom Allian na malaki rin ang papel ng mga may kontrol sa ekonomiya sa Mindanao sa pagsalungat sa pagsasarili ng Bangsamoro land. | ulat ni Rey Ferrer