Pagbalik ng Balanginga Bells, hudyat ng pagtatapos ng madilim na bahagi sa kasaysayan ng US at Pilipinas

Nagpasalamat ang Palasyo ng Malacañang sa lahat ng stakeholders, sa panig ng gobyerno ng Pilipinas at gobyerno ng Estados Unidos na naging daan para maibalik sa Pilipinas ang Balangiga Bells.

Kanina ay dumating na sa Villamor Airbase ang tatlong kampana kung saan ay sinalubong ito ni Executive Secretary Salvador Medialdea, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Communications Secretary Martin Andanar, US Ambassador to the Philippines Sung Kim at iba pa.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesperson Secretary Salvador Panelo, kinikilala ng pamahalaan ang hakbang na ito ng Estados Unidos at tiyak na magpapatatag pa ng relasyon ng dalawang bansa na matagal nang magkaalyado.

Ang pagdating aniya ng mga kampana sa Pilipinas ay nagsasara ng isang malagim na bahagi ng kasaysayan ng dalawang bansa. Sinabi ni Panelo na sana’y magsilbing pag-alala ng kabayanihan, kagitingan at pagiging makabayan ng ating mga kababayan ang tatlong kampana.

Dagdag pa ni Panelo, sa pag-alala natin sa madilim na bahagi ng ating kasaysayan, ay ipaalam natin sa  buong mundo na hindi magpapaalipin ang mga Pilipino sa anumang bansa, at ipaglalaban ng mga Pilipino ang ating kalayaan laban sa mga magtatangkang kunin ito. | ulat ni Alvin Baltazar