Pagbalasa sa mga matataas na opisyal ng PNP bilang paghahanda sa eleksyon, asahan na — PNP Chief

Isang panibagong pagbalasa sa mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang asahan nang ipatutupad bilang paghahanda sa darating na eleksyon.

Ito ang inihayag ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde, kasabay ng pagsabi na nagsimula na ang re-assignment ng ilang mga provincial directors para matiyak ang isang fair and honest election.

Tinukoy ni Albayalde ang pagpapalit ng provincial director ng Zambales at napipintong pagtatalaga ng mga bagong opisyal sa PRO 4A, NCRPO at sa iba pang panig ng bansa.

Ayon sa PNP Chief, ito ay para i-level ang “playing field” at masiguro na hindi makaka-impluwensya ang mga pulis opisyal na may mga kamag-anak na tatakbo sa halalan.

Nilinaw naman ni Albayalde na pansamantala lang ang paglipat ng mga opisyal hanggang sa matapos ang halalan.

Maaari naman aniyang ibalik sa dati nilang pwesto ang mga na-reassign na opisyal, lalo na kung maganda naman ang kanilang performance.   | ulat ni Leo Sarne