Pagbalasa sa mga matataas na opisyal ng PNP, asahan na sa mga darating na araw

Magkakaroon ng balasahan sa hanay ng mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa mga darating na araw.

Ito ang inihayag ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde sa kanyang unang press conference ngayong umaga, matapos na pormal na manungkulan kahapon.

Kasabay nito, pormal na inanunsyo ni Albayalde ang pagtalaga niya kay Director Camilo Pancratius Cascolan bilang National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Chief Supt Ma-O Aplasca bilang Hepe ng Directorate for Operations, CSupt. Guillermo Eleazar bilang Direktor ng PRO-4A, at Chief Supt. Joselito Esquivel bilang direktor ng Quezon City Police District (QCPD).

Ayon kay Albayalde, ang inisyal na rigodon ay kailangan para matiyak ang continuity ng paghahatid serbisyo ng PNP.

Paliwanag ni Albayalde, ang mga susunod na paglipat ng pwesto ng mga matataas na opisyal ng PNP ay dahil sa napipintong pagreretiro ni Director Rene Aspera ng Directorate for Personnel and Records Management sa susunod na linggo, at pagkabakante ng pwesto ng papalit dito.

Muling tiniyak ni Albayalde, na sa ilalim ng kanyang panunungkulan ang promosyon ng mga opisyal ay ibabase sa kanilang performance at seniority.

Binigyang diin ni Albayalde, na hindi mangingialam ang Pangulo sa pagtatalaga ng mga opisyal ng PNP, batay sa napag-usapan nila sa isinagawang command conference kagabi sa Camp Crame. | via Leo Sarne