Pagbalasa sa airline companies sa apat na terminal sa NAIA, nagsimula na

Unti-unti ng naghahakot ang airline companies na tatamaan ng tinatawag na rationalization ng Ninoy Aquino International Airport.

Halos araw-araw na koordinasyon ang isinasakatuparan ng mga concern agency na may kaugnayan sa airline operations upang plantsahin ang maayos na paglilipat patungo sa apat na terminal ng NAIA.

Inaasahan na bago matapos ang buwan ng Agosto ng kasalukuyang taon ay kompleto na at nakapwesto na ang airline companies kung saang terminal sila assigned.

Una na dito ang PAL international flights operations na malilipat na sa NAIA Terminal 1, habang ang kanilang domestic operation ay mananatili sa NAIA Terminal 2.

Habang ang Cebu Pacific domestic operations ay makikisalo sa NAIA Terminal 2 kasama ng PAL.

Mananatili naman sa NAIA Terminal 1 ang apat pang international flights na kinabibilangan ng Japan Airline, Saudia Airlines, Thai Airlines, at Etihad Airlines.

Ang ibang international flights na nasa Terminal 1 ay malilipat na sa NAIA Terminal 3. Ito ay ang China Southern, China Eastern, Xiamen Air, Malaysian Air, Qantas Air, Jetstar Air, Oman Air, Eva Air, Asiana Air, Korean Air, Qatar Air, Gulf Air, Ethiopian Air, at Kuwait Air.

Layunin ng paglilipat na mabawasan ang congestion sa mga terminals. | via Ariel Fernandez