Pagbakuna sa frontline workers sa aviation sector, makatutulong para makabawi ang airline industry

Kumpiyansa ang Air Carriers Association of the Philippines (ACAP), na sa pag-roll out ng bakuna para sa A4 category ay muling sisigla ang aviation industry.

Sa pagdinig sa Kamara, sinabi ni Air Asia Philippines Chief Executive Officer (CEO) Ricardo Isla, mas tataas ang kumpiyansa ng mga pasahero sa air travel kung mababakunahan na rin ang kanilang frontline workers.

Aniya, 50 percent ng piloto ng Air Asia ay nabakunahan na, at ngayong June ay inaasahan nilang mabibigay ng gobyerno ang suplay ng COVID-19 vaccine, para sa iba pa nilang frontline workers.

Sa ngayon, mahigpit pa rin aniya nilang ipinatutupad ang pagsasailalim ng kanilang mga tauhan sa RT-PCR test bagamat hindi kada flight.

Nananatili naman ang requirement sa kanilang pasahero, na sumailalim sa RT-PCR test sa loob ng 48 hours bago ang scheduled flight.