Pagbakuna sa A3 priority group sa Davao City, sisimulan na sa Lunes

Sisimulan na ang pagbibigay ng bakuna laban sa COVID-19, para sa priority group A3 o mga indibidwal na may comorbidities sa Lunes, May 31, 2021.

Ayon kay Dr. Ashley Lopez, Acting Head ng City Health Office, maaari ng magparehistro sa pinakamalapit na health center ang 18 hanggang 59 na taong gulang na may existing health conditions, gaya ng chronic respiratory disease, cardiovascular disease, chronic kidney disease, cerebrovascular disease, hypertension, malignancy, diabetes, obesity, chronic liver disease, neurologic disease, at iba pang sakit.

Pinapaalala naman ng opisyal, na kinakailangang magdala ang mga ito ng certification mula sa kanilang doktor upang masiguro ang kanilang kondisyon maliban pa sa medical certificate, prescription, at hospital records.

Dagdag pa, sa pamamagitan ng screening process malalaman kung dapat bang mabakunahan ang mga ito, upang maiwasan ang pagkakaroon ng severe side effects.

Maaari umanong ipagpaliban muna ang pagbakuna kung makikita na may sintomas ito ng kanilang sakit.