Pagbagsak ng approval rating sa ikalawang taon ng nakaupong pangulo, nakasanayan na – Sen. Recto

Para kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, ang pagbagsak ng approval rating ng Pangulong Rodrigo Duterte ay di na umano nakakagulat dahil ito na naman ang nakasanayan pagdating ng ikalawang taon ng isang nakaupong pangulo ng bansa.

Subalit diin ni Recto na ang 45% ay napakaganda pa ring rating at lalo pa itong tataas kapag ginamit ng Pangulong Duterte nang tama ang kanyang political capital.

Hindi umano makabubuti para sa Pangulo ang patuloy na di pagkakamabutihan sa simbahan lalo na ang mga pagbitiw ng mga di kinakailangang salita tungkol sa Diyos.

Nabanggit ni Recto na ang unang dapat umanong pagsikapan ng Pangulo ay ang pagkakaisa ng buong sambayanan. Pag-aralan din umano nang mabuti ang isinusulong na panukalang pederalismo.

Diin ng mambabatas na gamitin ng Pangulong Duterte ang kanyang political capital sa pagreporma ng ating mga institusyon at resolbahin ang umano’y inequity sa lipunan habang isinusulong ang paglago ng ekonomiya. | ulat ni Jojo Ismael